1.08.2005

basketball

tayo ay kasalukuyang
naglalaro ng one-on-one
sa basketball court
ng ating buhay

pagod ka na
kita ko sa iyong pawis
na walang tigil dumaloy sa iyong mukha
pawis na mukhang luha
ako pagod na rin
maliban sa pawis
hindi ko na mahabol ang aking hininga
hindi ko na rin mahabol ang iyong pagtakbo

ngunit bola mo at depensa ko
ikaw na ang may kontrol
kung sino ang mananalo at matatalo
sa huling mga sandali
sa ilalim ng naglalagablab na araw
ikaw ay humingi ng time out
alam mo at alam ko
na kapwa nating kailangnan ito

ngunit pagkaraan ng time out
sabay tayong aapak muli sa basketball court
at ipagpapatuloy ang ating laro
ang ating sayaw
balang araw sabay tayong magtatanong
bakit kailangnang may matalo
maaari namang iwanan natin ito
at pareho tayong mananalo

ngunit sa ngayon
tabla ang tala
ihahagis mo ang bola
ako ay titingala
pareho nating pipigilin ang hininga
hanggang mahulog ang bilog
sa loob ng isa pang bilog
na walang hanggan

ako ay patuloy na magdadasal
na sana ay walang matalo
na sana ay mapagod na tayo sa larong ito
na sana ay mag-badminton na lang tayo

No comments: